Patay ang isang DJ sa isang bar sa Cebu City matapos siyang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin.

Nangyari ang insidente sa General Maxilom Avenue, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes batay sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV Balitang Bisdak.

Base sa imbestigasyon, napag-alamang lumabas lang saglit ng bar ang 27-anyos na DJ kasama ang isang katrabaho.

Biglang dumating ang isang lalaking nakasuot ng itim at sakay ng motorsiklo.

Pinaputukan ng baril ng suspek sa likod ng ulo ang biktima, na siyang naging sanhi ng pagkamatay nito.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng salarin at posibleng motibo nito sa krimen. —KG, GMA Integrated News