Inaresto ng mga pulis ang isang construction worker na 28-anyos matapos na ireklamo ng panghihipo ng isang 23-anyos na guro sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Fe Marie Gumabon sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente habang naglalakad ang biktima sa bangketa ng national highway sa Barangay Bulacao para pumasok sa paaralan.

Nakasalubong umano ng guro ang suspek at nang magkalapit sila, doon na nito ginawa ang panghihipo sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Kaagad namang naaresto ng mga nagpapatrolyang pulis ang suspek.

Itinanggi ng lalaki ang paratang at sinabing aksidente lang na natamaan niya ang maselang bahagi ng katawan ng guro nang makasalubong niya ito sa paglalakad.

Mahaharap ang suspek sa reklamong acts of lasciviousness. --FRJ, GMA Integrated News