Nasundan ng tuwa ang pagkagulat ng isang lalaki sa Boston, USA nang katukin at hanapin siya ng dalawang pulis sa kaniyang bahay sa gitna ng gabi sa mismong araw ng kaniyang kaarawan.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, napag-alaman na unang nakatanggap ng tawag ang mga pulis sa emergency hotline 911 mula sa isang lalaki na humihiling na may bumati sana sa kaniyang kaarawan.

Inakala na nanloloko lang ang lalaking tumawag sa 911 na nagpakilalang si Chris. 

Mariing ipinagbabawal ang prank call sa 911.

Gayunpaman, pinuntahan ng mga pulis na sina Officers Israel Branco at Franklin Ortiz ang address ni Chris.

Matapos magpakilala ang dalawa pulis, tinanong nila si Chris kung talagang birthday niya at hindi siya nanloloko.

"Yes sir," sagot ni Chris na nagdiriwang noon ng kaniyang ika-25 taong kaarawan.

Nang sabihin ito ni Chris, inilabas na ng mga pulis ang dala nilang muffins at may birthday candles pa.

Kinantahan pa nila ng birthday song si Chris at ipinahipan ang kandila.

Wala kasama sa bahay si Chris nang dumating ang mga pulis.

Makikita naman sa mukha ni Chris ang tuwa sa ginawa ng mga pulis. 

"You guys are too awesome!," sabi ni Chris.

Ayon kina Branco at Ortiz, inakala nila noong una na prank call lang ang kanilang natanggap pero minabuti nilang puntahan ito habang nagpapatrolya sila sa lugar.  

"Everyone has one birthday, so everyone deserves to feel special on that one day," sabi ni Brancho.-- FRJ, GMA Integrated News