Isang jeepney driver ang pinagsusuntok umano ng mga kapwa niya tsuper matapos tumangging sumama sa tigil-pasada sa Bacolod City, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkules.

Ayon sa driver, na nagbabalak magsampa ng reklamo, namamasada siya nang harangin siya ng ilang miyembro ng Bacolod MANIBELA at hinikayat na sumama sa protesta.

Nang hindi siya pumayag ay pinagsusuntok umano siya at binutas pa ang gulong ng kaniyang jeep. Nawala rin daw ang P5,000 na pang-boundary sana niya.

Itinanggi naman ng Bacolod MANIBELA ang mga paratang ng driver. Anila, walang nangyaring pananakit at hindi nila kinuha ang pera ng driver.

Balak din ng Bacolod MANIBELA na magsampa ng reklamo laban sa driver. —KBK, GMA Integrated News