Pinatunayan ni Tatay Ruben Benitez na hindi mo kailangang maging kadugo ang isang bata para maidama ang tunay na pagmamahal ng isang ama.

Mayroon nang apat na anak si Nanay Arlinda mula sa unang asawa na namayapa na bago pumasok sa kanilang buhay si Tatay Ruben.

Sinuyo ni Tatay Ruben si Nanay Arlinda at ang mga anak nito sa pamamagitan ng pagdadala ng mga regalo. At hindi nagtagal, nakuha niya ang loob ng ina, pero hindi naging madali ang mga anak--kasama na si Gennevie, na noo'y walong-taong-gulang lang.

Batid naman ni Tatay Ruben ang kaniyang kalagayan sa buhay ng mga bata. Katunayan, nang minsan na magtanong siya sa mga bata kung matatanggap ba siya bilang pangalawang ama, wala umanong sumagot.

"Nung una ayaw nila sa akin kasi nga mahal talaga nila ang tatay nila ayaw nilang palitan siya," ayon kay Tatay Ruben.

Pero hindi siya sumuko. Nagsikap siya sa pagtatrabaho bilang mangingisda, nagsakripisyo at ipinakita ang pagmamahal sa mga bata at pati na ang pagdedesiplina.

Hanggang sa unti-unti na rin siyang natanggap ng mga bata bilang kanilang ama.

"Sa una maninibago kasi hindi ka galing sa kaniya dahil may halong pangamba, dahil iba siya," ayon kay Gennevie na 29-anyos na ngayon.

Nakita ni Gennevie kung papaano nagsakripisyo para sa kanila si Tatay Ruben na gumigising nang maaga at pilit na naghahanapbuhay kahit may nararamdamang masakit sa katawan.

"Salamat kasi kahit hindi ko kayo totoong papa ipinaparamdam n'yo ang pagmamahal ng ama. Tapos naa-appreciate ko lahat ng sakripisyo niya," saad pa ni Gennevie.

Sabi naman ni Tatay Ruben, sadyang napamahal na sa kaniya nang husto ang mga bata at handa niyang ipaglaban ang mga ito hanggang kamatayan.-- FRJ, GMA News