Problema ng isang ginang sa Las Piñas City ang mga aso na dumudumi sa labas ng kaniyang bahay. Ang natuklasan niyang paraan para malutas ang problema: tubig na may tinunaw na tina na inilagay niya sa plastic bottle at inilagay sa labas ng bahay.
Sa ulat ng "Dapat Alam Mo," sinabi ni Janilyn Natcher na problema sa kanilang compound ang mga aso na dumudumi sa daan, na kung minsan ay sa labas ng kaniyang bahay.
Bukod sa naapakan, hindi rin kaaya-aya ang amoy na kanilang nalalanghap. Kaya naman madalas niyang dinadakot ang mga dumi, at nakaalitan pa niya ang may-ari ng isa sa mga aso na hinihinalang dumudumi sa daan.
Sa paghahanap niya ng solusyon sa problema, napanood ni Janilyn ang isang video sa internet na may naglagay ng tubig na may tina na inilagay sa bote at isinabit sa labas ng bahay.
"Namangha ako kasi yung aso ang dalas doon dumumi, nung naglagay sila nung [bote na may tina] bale hindi na siya [aso] dumumi," ayon kay Janilyn.
Kaagad na sinubukan ni Janilyn kung epektibo ba talaga ang tubig na may tina sa bote at hindi siya nabigo.
"Nung sinabit ko siya, kinabukasan napansin ko wala. Sabi ko baka natsambahan lang. Pagkalipas ng ilang araw, ilang linggo, masasabi ko wala na talagang dumi," dagdag niya.
Pero totoo nga kaya na epektibo ang ganoong taktika para maitaboy ang aso sa lugar at hindi na dumumi? Alamin ang paliwanag ng isang professional dog behaviorist coach. Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News