Nagpanggap na na-holdap, tinangayan ng motor at umuwing hubo't hubad, pero nabisto rin kalaunan na nambabae lang pala ang isang lalaki sa Pura, Tarlac. Ang mister, umaming ginawa ang pagkukunwari para hindi mahalata ni misis.

Sa ulat ni Vonne Aquino para sa "Unang Balita" ng GMA News nitong Huwebes, kinilala ang lalaki na si Roger Belizar, isang karpintero.

Unang ikinuwento ni Belizar sa pulisya na sakay siya ng motor nang pagnakawan siya ng dalawang lalaki pasado 9 p.m. ng Martes, at tinangay pati mga damit niya.

"Hinarang po ako ng dalawang lalaki tapos dinala po nila ako dito sa Barangay Carbonel, iniwan po nila ako doon. Walang tinirang damit sa'kin," sabi ni Belizar.

Kasama rin umanong tinangay ang cellphone ni Belizar.

Dahil dito, magkasamang nagsumbong si Belizar at kaniyang misis sa mga pulis.

Tinungo ng pulisya ang bakanteng lote na pinag-iwanan daw ng motorsiklo na tinangay ng mga salarin kay Belizar.

Ngunit nagduda ang mga pulis sa kuwento ni Belizar.

"Inconsistent kasi 'yung mga sinasabi niya, 'yung time na na-holdap siya, time na narekober 'yung vehicle."

Dahil sa mga salungat na pahayag, umamin na rin si Belizar kalaunan sa tunay na nangyari.

Kaniyang pag-aamin, nanggaling siya sa beerhouse kasama ang isang babae.

Dinala ni Belizar ang babae sa isang pribadong lugar sakay ang motorsiklo, at saka iniwan ang motor sa bakanteng lote.

Nagawa aniya niya ang pagkukunwaring naholdap at umuwing walang saplot sa takot na mabisto ng asawa.

"Ayaw ko lang pong mag-away kami ng asawa ko," sabi ni Belizar.

Humingi ng paumanhin si Belizar sa mga naabala niyang pulis at sa kaniyang misis.

Hindi naman makapagsalita ang kaniyang asawa nang malaman ang pambababae ng mister.

Sasampahan ng kaukalang reklamo ang lalaki. — Jamil Santos/RSJ, GMA News