Pumalpak na, nakasuhan pa.

Ito ang nangyari sa isang lalaki na sa kagustuhang makahabol sa kaniyang flight na mula London papuntang Los Angeles, tumawag siya sa pulisya pero hindi nagpakikila at nagbabala na may bomba sa eroplano para maantala ang paglipad nito.

Sa ulat ng Reuters, kinilala ang lalaki na si Jacob Meir Abdellak, residente sa London, na sinentensiyahan ng korte na makulong ng 10 buwan matapos umamin sa kaniyang panloloko tungkol sa bomba.

Sa pagdinig ng korte, lumitaw na walong minuto bago ang flight ni Abdellak sa Norwegian Air sa Gatwick Airport noong Mayo 11, may tumawag sa pulisya para sabihin na may bomba sa eroplano.

Dahil dito, naantala ang pag-alis ng eroplano ng 90 minuto at muling sinuri ang mga pasahero. Gayunman, hindi pa rin pinasakay si Abdellak at pinabalik kinabukasan para sa panibagong booking.

Nang mag-imbestiga ang Gatwick police, lumitaw na ang tumawag sa kanila na may bomba sa eroplano ay nagmula sa kaparehong numero  na nag-book sa flight ni Abdellak.

Nang bumalik si Abdellak sa airport para sa kaniyang biyahe sa US kinabukasan, Mayo 22, inaresto na siya.

Sa simula, idinahilan ni Abdellak na nawala ang SIM card ng kaniyang telepono pero kinalaunan ay umamin din siya sa kaniyang ginawa.

“This was a quite ridiculous decision made by Abdellak, who fabricated an extremely serious allegation purely for his own benefit,” sabi Gatwick Police Chief Inspector Marc Clothier.

“He was running late for his flight and thought it would be a good idea to call in a hoax bomb, however this turned out to be the worst decision he could have made,” dagdag niya. -- Reuters/FRJ, GMA News