Arestado ang  dalawang tanod at isa pang lalaki matapos lantarang ipagyabang ang kanilang hawak na shabu.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa video sa loob ng Manila Poice district Station 5 ang tatlong lalaking nakaupo habang kinakausap ni Senior Inspector Edwin Fuggan, hepe ng Drug Enforcement Team ng MPD.

Ayon kay Fuggan, lumabas ang tatlo mula sa isang lugar na minamanmanan ng mga pulis na nagyayabang kung sino raw sa kanila ang may pinakamaraming hawak na shabu.

"Nakatayo sila dun —di nila alam na pulis kami —at nagyayabang, bakit daw yung sa kanya konti at sa kanya marami. [Nilapitan] namin sila, at sinabi namin na 'uy, shabu 'yan ah'," pahayag ni Fuggan.

Nakilala na tanod ng Barangay 787 ng Sta. Ana sila Abel Umugtong at Eugenio Salanova, at nakasuot pa ng polo na may nakasulat na Manila Anti-Drug Use Summit volunteer 2016.

Tig-isang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa dalawa, na nagdala ng tricycle ng barangay sa lugar.

Ayon sa kasama nilang si Paul Villanueva, may nag-tip daw sa ginagawa nilang tatlo.

Umamin si Villanueva at Umugtong na kanila ang mga sachet ng hinihinalang droga ngunit tumanggi si Salanova. Nakakulong ang tatlo habang inaalam ng pulis ang source ng kanilang droga. —Rie Takumi/LBG, GMA News