Nagkagulo sa Commonwealth Elementary School sa Quezon City matapos magpalambitin ang isang estudyante mula sa bintana sa fourth floor ng paaralan.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa "24 Oras" nitong Biyernes, inamin ng bata na inutusan siya ng kanyang kaklase na kunin ang P10 na nahulog sa labas ng bintana.

Pasado alas-singko nitong Miyerkules daw nangyari ang insidente na nag-viral na sa social media.

Paliwanag ng kanyang class adviser, nagpaalam lang daw siya ng saglit para pumunta sa palikuran at nagulat na lang siya nang magkagulo ang mga mga bata pagbalik niya.

Sumuot daw ito sa fire exit na naka-lock lang gamit ang alambre.

"Akala kasi niya, abot ng mga paa niya sa gilid," sabi ng class adviser.

"Hinawakan ko po siya. Eh sa sobrang, sa bigat po ng bata, hindi ko po kinaya. Ngayon, tinawag ko 'yung katabing classroom na adviser na tulungan akong buhatin 'yung bata," kuwento nito.

Nagsidatingan din ang ilang mga pulis at opisyal ng mga barangay para mailigtas ang bata.

Tinawag itong "isolated case" ng Division of City Schools ng Quezon City.

Hindi raw talaga ipinakakandado ang mga fire exit alinsunod sa "Revised Fire Code of the Philippines."

Ipinangako naman ng magulang ng bata sa kanyang guidance counselor na papaigtingin niya ang paggabay sa kanyang anak. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News