Dahil sa "matamis" na pananalita ng may-ari ng isang e-cigarette shop sa Charlerio, Belgium, naaresto ang anim na lalaking balak sana siyang holdapin.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes ng gabi, sinabing anim na armadong lalaki ang pumasok sa tindahan at nagdeklara ng holdap.

 


Pero sa halip na matakot ang may-ari ng tindahan, buong tapang niyang kinausap ang mga holdaper na kinumbinsi na bumalik na lang sa gabi kung kailan mas malaki na ang kita ng kaniyang tindahan na maaari nilang makuha.

Naniwala naman ang mga holdaper at mapayapang umalis kaya nagkaroon ng panahon ang may-ari ng shop na makipag-ugnayan sa mga awtoridad.

 


Nang bumalik kinagabihan ang mga suspek, nandoon na ang mga nakasibilyang mga pulis para sila dakpin.-- FRJ, GMA News