Mahimbing na natutulog ang isang lalaki nang pumasok sa loob ng kanilang bahay ang isang kakaibang “magnanakaw” at nilantakan ang kanilang mga prutas sa lamesa sa Guiyang, China. Ang tila mukbang na ginawa niya, nabisto nang silipin ang kuha sa CCTV camera.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood na lumabas ng kuwarto ang isang babae matapos makarinig ng kaluskos sa kanilang sala.

Naalimpungatan naman ang lalaki na natutulog noon sa kanilang sofa sa sala. Pero nang wala naman siyang nakita, bumalik siya sa pagtulog.

Nang mahimasmasan na ang lalaki matapos ang ilang oras na pagkakatulog, hindi pa rin siya mapakali sa nadinig na ingay sa kanilang tahanan kaya sinuri nila ang kuha ng CCTV.

At doon na nila nalaman na napasok pala sila ng unggoy.

Sa CCTV footage, nakita na napaatras muna ang unggoy noong gumalaw ang lalaki. Saglit na nakiramdam ang hayop bago muling naglakad at sumampa sa kabilang sofa.

Dito na pinuntirya ng unggoy ang mga pagkaing iniwan sa ibabaw ng TV stand. Kinuha ng unggoy ang isang mansanas at sa sala na ito nilantakan.

Sunod na kinain ng unggoy ang mga cherries na nakapatong sa isa pang mesa.

Ikinuwento ng may-ari na nakatira sila malapit sa bundok. Posible raw na bumababa ito upang maghanap ng pagkain.

Inabot ng tatlong oras ang pananatili ng unggoy sa loob ng kanilang bahay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News