Bistado sa CCTV ang nakakatuwang pagbabayanihan ng tropa ng mga pusa para ma-raid ang refrigerator at matangay ng pagkain ng kanilang fur mom.

Sa CCTV ng bahay ni Anne Alegato, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang dalawang pasimunong pusa, samantalang nagsilbi naman na tila lookout ang iba pa.

Ilang saglit pa, nagtagumpay ang mga pusa na nabuksan na nila ang ref.

Napa-"split" ang legs ang isa sa mga pusa para mabuksan lang ang ref.

Pagkabitaw niya, sumagip naman ang isang itim na pusa.

Ang isang pusa na tila mastermind ng tropa, nakakuha ng isda ngunit ipinagdamot niya ito sa kaniyang mga kasamahan.

Ang isa niya namang kasamahan, sa loob na mismo ng ref tumambay.

Ayon kay Alegato, nakita na lamang niya na bukas ang ref at simot na ang tira nilang sardinas.

Sinuri niya ang CCTV at doon niya nabisto ang ginawa ng kaniyang mga alaga na sina Cali, TrashCant, Stampy, Spinach Puffs, Tagliatelle at Ravioli.

Ilang beses na umanong nang-raid ng ref ang kaniyang mga alaga. Katunayan, sila pa ang dahilan kung bakit siya napa-install ng CCTV.

Tinangay pa ng mga pusa sa isang pagkakataon ang isang lechon manok.

Dahil dito, nagpakabit na rin ng lock si Alegato.

Hindi naman daw gutom ang mga pusa at spoiled pa nga sa pagkain. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News