Iimbestigahan ng San Jose del Monte Police ang posibilidad na sinadya ang pagsabog sa isang water tank ng San Jose del Monte (SJDM) Bulacan Water District nitong Biyernes kung saan apat ang namatay at higit sa 40 ang sugatan.

Sa kanilang pag-antabay sa pagdating ng post blast investigator, inaalam daw sa ngayon ng pulisya ang lahat ng anggulo para malaman ang dahilan ng pagsabog ng water tank.

"Lahat po kasi ng angle na puro investigation, chine-check po namin kung meron ba tayong foul play dito o kung bakit ganyan yung naging itsura, meron bang explosion na nagyari kaya po chine-check namin," ayon kay Senior Police Officer 2 Daniel Ortega, chief investigator.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Balitanghali" nitong Sabado, inihayag ng San Jose Del Monte Water Disctrict na imposible raw na bumigay o imposibleng sumabog ang tangke dahil daw matibay ang istraktura nito at sinunod ang nasa plano.

Samantala, nagsibalikan na sa kani-kanilang mga bahay at naghanap ng maaaring maisalba ang mga residente ng Barangay Muzon na naapektuhan ng pagsabog ng water tank.

Karamihan sa mga inanod nilang kagamitan ay tila hindi na mapapakinabangan.

Isa si Mark Darrel sa mga residenteng nasugatan matapos anurin ang kanyang tricycle ng rumaragasang tubig. Bumagsak sa mga kabahayan ang kanyang sasakyan.

Nagkaroon siya ng pamamaga ng mukha, at 'di makalakad nang maayos dahil sa tahi sa tagiliran at nagtamo rin siya ng mga galos sa braso at hita.

Bagama't sagot ng water district ang kanyang pampaospital, hiling niyang sana maibalik ang kanyang tricycle dahil laking perwisyo raw ito sa kanilang pamilya.

"Bigla pong bumulwak yung tubig nang ganun tapos iniwas ko po yung tricycle ko, pag-iwas ko po ng tricycle ko, akala ko po yung tubig na bumulwak, mahina lang po. Pagtama po sa akin ng tubig, gumuho na po yung tricyle, kasama na po ako," ayon kay Darrel.

Nagdala ng pagkain ang lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte sa mga apektadong residente nitong Sabado.

Hindi pa bumabalik ang kuryente sa mga oras na ito sa mga kabahayang apektado ng pagsabog ng water tank. — MDM, GMA News