Patay ang isang lalaking negosyante nang bigla siyang sundan at pagbabarilin ng isang rider ng motorsiklo sa Pagbilao, Quezon. Ang krimen, nakunan sa closed-circuit-television camera.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Arnel Lagrama Tinamisan, 43-anyos, na nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakatakbo pa ang biktima matapos pagbabaril ng salaring naka-helmet.

Bago maganap ang krimen, makikita sa CCTV footage na naglalakad ang biktima sa kalsada at papauwi na umano matapos na mag-jogging.

Maya-maya lang, dumating ang salarin na nakasakay sa motorsiklo, nakasuot ng helmet, at bumuntot sa biktima.

Ilang sandali pa, binunot na ng rider ang baril na may "silencer" at pinaputukan ang biktima sa likod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na walang kaugnayan sa iligal na droga ang pagpatay kay Tinamisan.

"Itong si Mr Tinamisan ay dati nang nakulong dito sa kasong arson. Yung kapitbahay niya, may kaaway siya," P/C Insp. Rizal Merene, hepe ng Pagbilao-Quezon-PNP.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na posibleng may kaugnayan ang krimen sa iringan ng biktima at ng kanyang kapitbahay pero wala pa raw matibay na katibayan na hawak ang mga awtoridad.

Plano naman ng pamilya ng biktima na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation para mabigyan ng katarungan si Tanamisan. -- Joseph Tristan Roxas/FRJ, GMA News