Inabot umano ng magdamag ang imbentaryo na ginawa ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency sa nasabat na 604 kilo ng shabu sa dalawang warehouse sa Valenzuela City na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.

Sa pahayag na ipinalabas ng BOC nitong Sabado, sinabing nasabat ang mga iligal na droga sa dalawang warehouse sa Aster Street, Paso de Blas at F. Bautista Street, Ugong nitong Biyernes.

Ayon sa BOC, isinagawa ang pagsalakay sa mga nabanggit na bodega matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa International Enforcement Cooperation Division of Anti-Smuggling Bureau ng Custom ng China.

Napasok ang mga bodega sa bisa ng Letter of Authority na inilabas ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Sa bodega, nakita ang mga iligal na droga na nakatago umano sa limang metal cylinders na nakakahon pa, at nakapangalan kay Fidel Anoche Dee.

"Our level of effective information sharing with China Customs Cooperation sends a strong warning to all those involved in the drugs trade," ani Faeldon.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Sabado, itinanggi ni Dee na may kinalaman siya sa mga nakumpiskang droga.

Ayon kay Isidro Lapena, director general ng PDEA, ang pagkakatuklas sa mga kontrabando na galing sa China ay indikasyon na hirap na ang sindikato na dito sa bansa gawin ang droga.

Sinabi naman ni Wilkins Villanueva, director ng PDEA, patuloy ang kanilang gagawing imbestigasyon para malaman kung mayroong nagpabaya sa kanilang trabaho sa BOC kaya nakalusot ang mga kargamento. -- FRJ, GMA News