Patay ang apat na drug suspect matapos na manlaban umano sa mga pulis sa isinagawang buy bust operation sa Malolos, Bulacan nitong Martes. Arestado rin sa naturang operasyon ang isang barangay tanod na parokyano umano ng grupo.

Sa "News To Go" report ni Jun Veneracion nitong Martes, sinabing naging susi ng mga pulis ang barangay tanod na gumagamit ng droga sa isinagawang buy bust operation sa Barangay Caniogan, na nagsimula ng madaling araw at umabot hanggang umaga.

Kinilala ang mga napatay na suspek bilang sina alyas 'Tonton,' 'Dolfo,' 'Paquito,' at 'Toto.' Samantalang arestado naman ang tanod ng barangay na si Rodolfo Leoncio.

Pinaputukan daw ng mga suspek ang mga pulis kaya nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng apat.

Unang napatay ng mga pulis sina alyas 'Toto' at 'Paquito.'

Sa follow-up operation laban sa mga nakatakas na suspek, inabutan sila sa loob sa mga kabahayan sa lugar at nanlaban din kaya napatay sina alyas 'Tonton' at 'Dolfo.'

Nakuha sa mga suspek ang cal .45 baril, tatlong improvised shotgun at mga sachet ng hinihinalang shabu, at marked money na ginamit sa buy bust operation.

Pawang nasa drug list umano ang mga napatay, at maging ang naarestong tanod.

Ayon kay Malolos chief of police na si Superintendent Heryl Bruno, sumuko na dati sa barangay ang mga suspek base sa impormasyon ng punong barangay.

Hinihinalang sangkot din sa robbery-holdup ang apat na napatay matapos madiskubre sa bahay ni 'Tonton' ang tatlong "kinatay" na motorsiklo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News