Humiling ng hustisya ang pamilya ng Grade-11 student na napatay ng mga pulis sa operasyon sa Caloocan City noong Miyerkules.

Iginiit ng pamilya ng 17-anyos na biktimang si Kian Loyd delos Santos na magkaiba ang bersyon ng mga pulis sa ipinapakita ng CCTV ng barangay ukol sa insidente.

Sa ulat Victoria Tulad nitong Biyernes sa "Unang Balita" sinabi umano ng mga pulis na sinita nila si Kian Loyd habang isinagawa ang Oplan Galugad, ngunit bigla umano itong tumakbo.

Nang habulin ng mga pulis, naglabas umano ng baril ang biktima at nagpaputok. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang estudyante.

Tumangging humarap sa camera ang mga imbestigador ng kaso.

Ngunit tila iba umano ang ipinakikita ng CCTV footage ng barangay sa insidente. Sa video, makikitang "bitbit" ng mga pulis ang binatilyo.

"Nakita namin sa video ng barangay bibit siya. Paano siya nakipagbarilan? Binitbit nila. Piniringan daw," ayon kay Zaldy delos Santos, ama ng biktima.

"Pinipilit nilang magturo ng mga drug pusher, eh, wala namang alam ang anak ko," pahayag ng ama.

Sa bersyon ng mga pulis, narekober umano mula sa binatilyo ang isang kalibre .45 na baril at dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Pero iginigiit ng mga kaanak ni Delos Santos na wala itong bisyo.

"Ayon sa testigo, pinahawak siya ng baril, tapos pinatakbo siya. Tapos, 'yung short niya boxer. Paano mo isusuksok 'yung 45 dun, 'di nalaglag 'yun?" pahayag ng ama ng biktima.

Desididong umano ang pamilya na makamtan ang hustisya para kay Kian.

"Sa tumira sa anak ko, ipasa-Diyos na lang ... pero ipaglalaban ko 'yung anak ko. 'Di ko papayagan siyang ganyan lang kasi masakit eh," pahayag ng ama. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News