Ipinamimigay na lamang ng mga may-ari ng isang fowl farm sa isang bayan ng Pampanga ang kanilang mga manok kasya ibenta ang mga ito at malulugi lamang dahil sa bird flu outbreak.

Sa ulat ng "Unang Balita" aabot sa 50,000 na mga manok ang naipamigay ng isang manukan sa bayan ng Candaba.

Ayon kay GMA News stringer Rommel Ramos, tuwang-tuwa naman ang mga residenteng nakatanggap ng libreng manok.

Pahayag umano ng may-ari, minabuti na lamang nilang ipamigay ang mga manok kaysa malulugi lamang sila dahil binabarat sila. Mabuti na umanong mapakinabangan ang mga manok na hindi naibebenta.

Tiniyak naman umano ng lokal na pamahalaan ng Candaba na hindi apektado ng bird flu ang mga manok na ipinamimigay sa mga residente.

Nauna nang napaulat na nalulugi ng aabot sa P3 mliyon kada araw ang fowl industry ng bayan.

Ikinatuwa naman ng mga may manukan sa Luzon ang pagbawi ng Department of Agriculture ng shipment ban ng mga manok sa Visayas at Mindanao. —LBG, GMA news