Inaresto ng mga Awtoridad sa Saudi Arabia ang isang 14-anyos na lalaki dahil sa "improper public behavior" kaugnay ng pagsasayaw nito sa gitna ng kalye sa Jeddah.

Sa ulat ng Reuters, sinabing idinetine ang binatilyo bunga ng pagsasayaw nito sa gitna ng kalye habang tumutugtog ng 1990s hit song na "Macarena."

Hindi sinabi ang pangalan at kung ano ang nationality ng binatilyo na naging viral sa social media ang ginawa niyang pagsasayaw.

Ayon sa mga awtoridad, maliban sa hindi kaaya-ayang asal, nakasagabal din umano sa daloy ng trapiko ang ginawang pagsasayaw ng binatilyo.

Sa video, makikita ang binatilyo na may suot na headset at pumuwesto sa pedestrian line at nagsayaw sa gitna ng kalsada.

Makikita rin na nakatigil ang ilang sasakyan habang nagsasayaw ang binatilyo pero hindi malinaw kung naka-go o naka-stop ang traffic light.

Hindi naman malinaw kung sasampahan ng pulisya ng kaukulang reklamo ang binatilyo. -- FRJ, GMA News