Inabutang duguan at wala nang buhay sa kaniyang kinauupuan ang isang dating barangay tanod na binaril ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kaniyang tindahan sa Quezon City.

Sa ulat ni Luisito Santos sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si June Emlang, ng Barangay Batasan Hills.

Napag-alaman na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima pero nagnegatibo naman nang isailalim sa drug test.

Ayon sa isang residente, nakarinig siya ng isang putok ng baril at nang tingnan ang pinanggalingan ng putok ay nakitang duguan na si Emlang sa loob ng tindahan.

Ang mga kaanak ng biktima, wala umanong alam na kaaway si Emlang, na inilarawan nilang mabait na tao.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang salarin at motibo sa krimen. -- FRJ, GMA News