Patay ang isang 17-anyos na lalaki sa Taguig City matapos siyang sundan ng riding-in-tandem at pagbabarilin habang nakatalikod. Posible pa sanang nakaligtas ang biktima kung nakita niya kaagad ang salarin nang pumalysa at 'di pumutok ang baril nang una itong itutok sa kaniya.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Dave Harold Castro Gallingue.
Sa kuha sa CCTV camera ng barangay, makikita ang biktima na nakasakay sa motorsiklo at tumigil sa tapat ng isang bahay sa Central Bicutan sa Taguig.
Hindi niya namalayan na may riding in tandem na nakasunod sa kaniya. Maya-maya lang, bumaba ang isa sa mga salarin na armado ng baril at itinutok sa likuran ng biktima.
Pero hindi pumutok ang baril nito kaya tumalikod ang salarin at nagkunwaring may inaayos. Nalingon pa ni Gallingue ang salarin ngunit hindi niya pinansin.
Nang maayos ng salarin ang baril, muli itong lumapit sa likuran ng biktima at doon na sunod-sunod na pinaputukan.
Nakatakbo pa ang biktima pero namatay rin. Habang ang mga salarin, nakatakas.
Ayon sa opisyal ng barangay, bukod kay Gallingue ay may dalawa pang insidente ng pamamaril na mga pawang menor de edad din umano ang biktima
Inaalam pa kung magkakaugnay ang naturang krimen.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang Taguig police dahil wala raw ang mga opisyal na puwedeng humarap sa GMA News.
Tumanggi rin ang pamilya ni Gallingue na magbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News
