Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan ng pamahalaan ang 27-anyos na babaeng overseas Filipino worker na nakakulong sa Oman dahil sa alegasyon ng paglabag sa kaniyang kontrata at pagnanakaw umano sa amo.

“Inatasan na namin ang aming welfare officer na i-monitor ang kaso at makipag-ugnayan sa agency na nag-recruit sa kanya upang mabigyan sila ng komprehensibong tulong,” saad sa pahayag na inilabas ni OWWA Deputy Administrator Josefino Torres.

Batay umano sa pinakahuling ulat na ibinigay ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) - Oman, inaprubahan ng Prosecutor’s Office ang hiling ng Embahada ng Pilipinas na isailalim ang OFW sa kostudiya ng embahada habang dinidinig pa ang kaso nito.

Sa report na ibinigay ng Assistance to Nationals (ATN) Section sinabi ng Embahada ng Pilipinas na nakulong ang OFW noong Setyembre 10, 2017 sa Al Khoud Police Station matapos siyang ireklamo ng employer ng pagnanakaw at pagsira ng pagtitiwala.

Napag-alaman na Nobyembre 2016 nang magtungo sa Oman ang OFW matapos na ipadala ng isang agency. -- FRJ, GMA News