Naging viral ngayon sa Facebook ang video ng aktwal na pagsagip ng isang OFW sa Jeddah sa isang Arabong may kapansanan na na-trap sa baha sa loob ng kanyang sasakyan.

Sa video, makikitang halos lumubog na sa baha ang sasakyan ng Arabo sa kasagsagan ng ulan noong nakaraang Martes. 

Naging instant celebrity ang OFW na si Saripada Dawood Balindong mula sa Pagadian City, at pinupuntahan pa siya sa kanilang lugar ng mga Arabong punung-puno ng pasasalamat sa kanyang nagawa.

Saripada Dawood Balindong sa panayam ng GMA News. --RZ Concha 

Sa panayam ng GMA News kay Dawood,  itinuro niya ang eksaktong lugar kung saan niya iniligtas ang Arabo.

Aniya, naglalakad siya sa may likod ng kanilang bahay nang makarinig siya ng sirena ng bumbero at pakiramdam daw niya na may nangyayari.

Kaya, agad siyang nagpunta sa labas at nakita ang palutang-lutang na sasakyan at sa loob ang isang na-trap na Arabo.

Hindi umano nangahas na lumapit sa sasakyan ang firefighters dahil malamang, aniya, natakot na makoryente, lalo pa't  nakita nilang nakabukas ang mga ilaw sa mga poste, at ang mga linya ng kuryente ay nakabaon lahat sa lupa.

Ayon kay Dawood, pinagbawalan umano siya ng firefighters na lumapit sa sasakyan kasi delikado umano.

“Nang Makita ko na hindi umabot ang itinapon na life jacket ... nilangoy ko na lang lalo pa't nakita ko na palalim na ... doon ko na naabutan, yung nakita ko na Saudi ang nakita ko sa kanya yung tungkod sa sasakyan nya, binuhat ko siya tapos napansin ko yung kaliwang paa niya na maliit.”

Gabi na lang daw niya nalaman na may kumuha pala sa kanya ng video at nagba-viral na raw pala ito sa Facebook.

Dahil sa pagkalat ng video ay umani ng papuri si Dawood at may mga iba't ibang grupo na raw ang nagbigay sa kanya ng parangal at iniimbitahan pa raw siya sa mga eskuwelahan at ipinaalam na siya raw ay isang bayani. —LBG, GMA News