Isang puno ng Balete ang dinarayo ngayon sa Pasuquin, Ilocos Norte dahil itinuturing itong "wishing tree" na nilalagyan ng pera.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, makikita ang puno sa gilid ng highway sa Barangay Davila na may mga siniksik na pera ng mga taong may mga kahilingan at nais suwertehin.

Ayon kay Yolly Manzano, may-ari ng puno, isang turista raw ang nagpasimula ng pagsasabit ng pera sa Balete.

"May turista pong nagpunta dito guest namin then nung bumaba sila naglagay na po agad sila ng dun [ng pera]. Then nung tinanong namin kung bakit sabi nila may paniwala daw po sila na wishing tree daw po itong Balete," kuwento ni Manzano.

Wala naman daw nagtatangkang kumupit ng pera mula sa puno dahil sa takot na baka malasin sila. -- FRJ, GMA News