Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang isang inmate na babae na pumuga mula sa isang kulungan sa Ilocos Norte.

Sa Ulat ni GMA News stringer Dennis Alipio sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing pumuga ang inmate na kinilalang si Susan Salacup, 60-anyos, mula sa Ilocos Norte Provincial Jail.

Itinaon umano ni Salacup ang pagpuga sa araw ng pagbisita. 

Upang makatakas, napalit umano ng damit and inmate at nagsuot pa ng salamin.

Huli na nang mamalayan ng mga guwardiya  na nakatakas na pala si Salacup.

Nakulong si Salacup dahil sa mga kasong estafa, grave threat, at oral defamation.

Matapos ang pagpuga ni Salacup, todo-higpit na ang mga guwardiya sa loob ng kulungan. 

Samantala, ayaw pang magbigay ng pahayag ang jail warden. —LBG, GMA News