Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos niyang kikilan umano ang kaniyang fiance na isang overseas Filipino worker. Banta umano ng suspek, hindi siya sisipot sa kanilang kasal na naka-set nitong Biyernes kung hindi siya babayaran.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras," kinilala ang suspek na si Raul Domingo, 39-anyos, na inaresto sa isang restaurant sa Katipunan Avenue sa isinagawang entrapment operation ng CIDG-Quezon City.

Inaresto si Domingo nang tanggapin na niya ang markadong pera na iniabot sa kaniya ng fiance na OFW na itinago sa pangalang "Paula," 40-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang beses na rin umanong nagbigay ng pera si Paula kay Domingo.

"Nitong huling usapan namin, noon lang po siya naging talagang aggressive, talagang directly asking money from me. Before po talaga, 'yung mga gastusin ako naglalabas," sabi ng biktima.

Isang music teacher si Paula sa Singapore at maganda raw ang kaniyang trabaho, at gusto na sana niyang lumagay sa tahimik. Ang akala niya, si Domingo na ang kaniyang makakatuluyan.

"Siyempre po nanghihinayang, kasi pinagkatiwalaan ko siya, minahal ko naman po talaga kasi nga po mabuting tao siya, mabait siya. Tapos po 'yung pag-uusap namin wala ka pong mararamdaman na may tinatago siya kasi napakakalmado niya," anang biktima.

Iimbestigahan ng CIDG kung may iba pang nabiktima si Domingo dahil sa hinala na posibleng "modus" na ang ginagawa niya.

"Baka meron pang nakakakilala sa tao na naloko rin, especially 'yung mga kababayan natin na OFW, kasi 'yun po 'yung mga prone sa ganito, nabibiktima ng mga ganitong tao," sabi ni Police Senior Inspector Paolo Benito, Deputy Chief, CIDG, QC. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News