Dinakip ng mga awtoridad sa Hong Kong ang Pinay na co-owner ng Peya Travel, na sinasabing nanloko umano sa mga overseas Filipino worker kaya hindi nakauwi sa Pilipinas para sana magdiwang ng Pasko.

Sa ulat ni Corazon Cañete sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang inaresto na si Rhea Donna Boyce, na kilala umano ng mga Pinoy community sa HK.

Dinala rin umano sa himpilan ng pulisya ang ilang computer na nakuha sa kaniyang tanggapan.

Nakasaad na kasama ni Boyce bilang may-ari ng Peya travel ang asawa nitong si Peter Bryan Boyce. Posible rin umanong arestuhin si Peter kapag lumabas sa imbestigasyon na may kinalaman siya sa ginawang panloloko sa mga biktima.

Sa ulat ng South China Morning Post, sinabing dinakip si Rhea noong Lunes sa reklamong conspiracy to defraud.

Inulan ng reklamo ang Peya Travel nang mabigo at hindi makalipad pauwi ng Pilipinas ang nasa 200 hanggang 1,000 OFW sa Hong Kong.  Sinasabing hindi binayaran ng Peya Travels ang mga plane ticket ng mga OFW.

Nasa 645 OFWs na umano ang naghain ng reklamo laban sa Peya, na ang halagang nakapaloob sa reklamo ay umaabot sa HK$2 milyon.

Hinikayat ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang iba pang nabiktimang OFWs na magtungo sa kanilang tanggapan para makapagbigay ng pahayag tungkol sa nangyari.

Samantala, tumanggi naman si Boyce na magbigay ng pahayag sa media, at maging sa opisyal ng Philippine Embassy. — FRJ, GMA News