Nasagip ng mga mangingisda ang 11 nilang kapwa mangingisda na ilang araw nang nawawala matapos abutan sa laot ng pananalasa ng bagyong Urduja sa Eastern Samar.

Nadaanan ng mga mangingisda nitong Lunes, araw ng Pasko ang 11 biktima na palutang-lutang sa dagat na 28 milya ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Japitan sa Dolores, Eastern Samar.

Nakita sila na nakakapit sa mga natirang gamit mula sa lumubog nilang bangka.
Kinilala ang mga nakaligtas na sina:

Jesus Apulan, 48-anyos
Joselito Mendoza, 52-anyos
Fredie Alboro, 34-anyos
Glenn Moro, 23-anyos
Jessie Apulan, 19-anyos
Ernesto Mascariñas, 54-anyos
Marcos Jarulan, 29-anyos
Ryan Calexte 24-anyos
Enrico Solayao, 32-anyos
Rommel Lopez, 27-anyos, at
Rey Cubillo 37-anyos


Ayon kay Senior Fire Officer 4 Roberto Enriquez, Municipal Fire Marshall ng BFP Dolores, lumabas sa kanilang imbestigasyon na pumalaot ang 16 na mangingisda mula sa Tacloban at inabutan sa laot ng bagyong Urduja na nanalasa sa lalawigan noong Disyembre 16.

Sinabi naman ng mga nakaligtas na lima pa sa kanilang mga kasamahan ang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.-- Ronnie Roa/FRJ, GMA News