Nadismaya ang isang OFW na galing Canada nang makitang bukas, sira-sira at wala nang laman ang kaniyang mga bagahe nang kunin niya ito sa Clark International Airport. Dahil sa insidente, anim na ground crew ng paliparan ang iniimbestigahan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras," ipinakita ng OFW sa isang video ang kaniyang bagahe na nasira at nawawala na umano ang ilang mamahaling gamit.

"Ate Babet, sorry nawala 'yung [bag] mo. Nandito siya sa isa sa mga luggage na ito, nanakaw dito sa Clark Airport," sabi ng OFW.

"Wasak 'yun, nakita namin wasak 'yung mga zipper. So wasak lahat. Wasak, wasak. Ito, wasak din siya oh. And then 'yung box namin bukas na nu'ng dumating kami," dagdag pa niya.

Sinabing Disyembre 23 daw nang dumating sila sa bansa galing Canada, at dumating ang kanilang mga bagahe kinabukasan.

Pero nitong Miyerkoles lang daw sila tinawagan at pinapunta sa airport para kunin ang kanilang mga gamit.

"Most of the important things are gone," saad pa ng OFW.

Payo niya sa iba, "Mag-hand carry na lang kayo kasi kami sinulit namin ang weight ng luggage. Pinuno namin tapos pagdating dito, dalawa na lang. Half na lang ng luggage ang natira, nawala 'yung mga importante, mga mamahalin."

Lumalabas sa imbestigasyon ng pamunuan ng Clark International Airport Corporation na naganap ang umano'y pagnanakaw habang nasa ground handling company na MIASCOR ang mga bagahe.

Nahagip din daw sa CCTV na nasa maayos na kondisyon ang mga bagahe nang dumating mula Canada.

"'Yung araw na dumating 'yung mga bagahe, nakita namin, na-trace namin. Nandu'n talaga ang mga bagahe. Tapos 'yung ground handling company, binuhat nila tapos dinala sa opisina nila. Mula du'n sa lugar ng opisina nila, du'n lang hanggang kunin ng pasahero after some days," sabi ni Alexander Cauguiran, OIC/CEO, Clark International Airport Corp.

Suspendido na raw sa ngayon ang anim na ground crew na kumuha umano sa mga bagahe, ayon kay Cauguiran.

Kakasuhan daw ang mga ito kung mapatunayang nagkasala kapag natapos na ang imbestigasyon.

"Tinanggap naman ng responsibility ng ground handling company ang pagkawala na 'yun under sa kanilang custody at nagbigay naman ng kaukulang halaga ng mga gamit na sinabi ng pasahero na nawala," sabi pa ni Cauguiran.

Nagbayad na rin daw ang MIASCOR ng mga nawalang ari-arian ng OFW na aabot sa P82,000 ang halaga.

Sinisikap pa ng GMA News na kunin ang pahayag ng MIASCOR tungkol sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News