Kung may "unli rice" na pakulo ang ibang kainan, nagpasa naman ng ordinasa ang Konseho ng Davao City para obligahin ang mga kainan na maglagay ng "half-cup rice" na puwedeng orderin sa kanilang menu.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ipinatupad ang naturang ordinansa para makatulong sa kampanya upang mabawasan ang nasasayang na kanin.

Kasama sa mga establisimyento na obligadong magbigay ng "half-cup rice" ang mga karinderya, canteen, ospital, restaurants, at fast food chains.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P1,500 hanggang P5,000, at posibleng makakansela ang business permit.

"The main goal of this is the rice wastage," sabi ni Davao City Councilor Marissa Salvador-Abella.

"The main goal is to reduce rice wastage. Siguro nakikita nila sa mga restaurant na meron talagang mga natitirang kanin," ayon naman kay Noel Provido, Department of Agriculture-XI.

Batay umano sa pag-aaral ng International Rice Research Institute, mahigit 300,000 tonelada ang nasasayang na kanin sa Pilipinas o katumbas ng P8.4 bilyon kada taon.

Pabor naman ang ibang may-ari ng kainan sa naturang ordinansa para walang masayang na kanin.

Maging ang mga kostumer ay pabor dahil malaki naman daw ang "one cup rice" sa ibang kainan at hindi rin nauubos.

Ipapatupad ang ordinansa sa naturang lungsod sa darating na Abril. -- FRJ, GMA News