Isang matadero na naghatid ng kaniyang nililigawan ang patay matapos na pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Caloocan City.  Ang isang anggulo na tinitingnan ng mga awtoridad, selos dahil may asawa na pala ang babae na kaniyang sinusuyo.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Isagani Opiasa, 34-anyos, residente ng Phase 1 Package 2, Barangay 176 Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Base sa imbestigasyon ng North Caloocan Police, pauwi na ang biktima sakay ng motorsiklo nang harangin siya ng riding-in-tandem sa isang eskinita.

Dito na siya pinagbabaril, na agad niyang ikinasawi. Nagtamo si Opiasa ng limang tama ng bala sa ulo at katawan.

Tumakas naman ang mga salarin gamit ang hindi naplakahang motorsiklo.

Nakuha ng SOCO sa crime scene ang anim na basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na baril.

Tinitingnang motibo ngayon sa krimen ang love triangle, ayon kay Senior Inspector Dennis Odtuhan, hepe ng Station Investigation Unit, Caloocan Police North Extension Office.

Nakatanggap ang pulisya ng ulat na pinagsabihan si Opiasa ng kaniyang mga kamag-anak na huwag nang suyuin pa ang babaeng may asawa na, ngunit nagpatuloy pa rin siya.

Itinuturing namang person of interest ang mister ng nililigawan ng biktima at hinahanap ngayon ito ng mga awtoridad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News