Isang Pinay domestic helper na ilang linggo palang nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia ang pinauwi umano ng kaniyang amo dahil sa hindi siya makapagsalita ng Ingles.

"Hindi po ako marunong, ni isa po, 'pag sinasabihan ako ng, 'how are you,' hindi ko rin po maisagot. Yuko na lang po ako," sabi ni Joan ('di niya tunay na pangalan)  nang makapanayam ng GMA News sa Philippine Overseas Labor Office (POLO).

Dumating umano si Joan sa Saudi Arabia noong huling linggo ng Enero.

Ayon kay Joan, Grade 2 lang ang inabot niya at kahirapan ang nagtulak sa kaniya para magtrabaho sa labas ng bansa. Napag-alaman din na nakakulong ang kaniyang kinakasama matapos masangot sa iligal na droga.

Nang tanungin si Joan kung papaano siya nakapag-abroad gayung hindi siya nakakaintindi ng Ingles, sinabi niya na ang recruiter niya ang tumulong sa kaniya at pumirma na lang siya sa mga papeles.

Dahil sa nangyari kay Joan, sinabi ni Labor Attaché Nasser Mustafa na dapat suriing mabuti ng mga recruitment agency ang mga aplikante.

"Dapat suriing mabuti ng mga recruitment agencies ang mga recommended ng kanilang mga agent," ani Mustafa. "Kailangan on top of the situation sila sa pagre-recruit nila dahil kapag nagkaroon ng problema ay hindi naman ang agent nila ang mananagot dito kundi ang recruitment agency nila."

Ayon kay Mustafa, maliban sa problema sa English language, problema rin ng ibang Filipina domestic helpers ang kakulangan ng sapat na kaalaman sa mga gawaing bahay. Mayroon din lumilitaw na mga menor de edad. —Ronaldo Concha/FRJ, GMA News