Patay ang dalawang lalaki nang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa backhoe sa Fairlane Street, Batangay Greater Fairview habang umiiwas sa pulis, ayon sa ulat ni GMA News reporter Jay Sabale sa "Unang Balita" nitong Martes.

Sabi ni Police Senior Inspector Aurelio Santiago ng Quezon City Police District Station 5, kumaripas ng takbo ang naka-motor at ang angkas nito nang makita siya at kanyang mga kasamang rumoronda sa Dahlia Street.

"Nung nakita nila kami na nagpapatrolya, bigla silang lumiko at biglang binilisan ang takbo. Tapos kami, naging aware lang kami dahil ba't biglang bumilis ang takbo. Sinundan ho namin," sabi ni Santiago.

"Sa sobrang bilis nila, 'dun na namin sila nakita sa paliko. Pag tingin namin dito sa lugar, sumemplang na pala dito," tuloy niya.

Narinig na lamang ni Ray Flores at ang kanyang kapwang construction worker ang pagkalabog ng katawan ng dalawang biktima, na maaring hindi naka-kabig ng motor kaya't ito'y sumalpok sa isang backhoe.

"Nagulat kami, kala namin binato kami. Kaya naglabasan kami, kaming nasa loob. 'Pag labas namin, yun na. Nakasigaw pa ng "ah," ganun lang, tapos wala na, tapos naghihingalo pa yung isa," alala ni Flores.

Iniimbestigahan pa ng pulis kung bakit binilisan ng dalawang biktima ang pagpaandar ng motorsiklo lalo na dahil walang nahanap na ilegal sa kanilang katawan, ngunit hula nila na nakainom ang mga lalaki dahil sa kanilang amoy. — Rie Takumi/RSJ, GMA News