Inireklamo ng 23-anyos na ginang sa Taguig ang panggagahasa umano ng isang Japanese na pinatira pa niya sa kaniyang bahay dahil naawa siya kasi wala itong matutuluyan.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing tinulungan umano ng biktima si Tetsunori Kishida, na umano'y bina-blackmail ng kaniyang girlfriend na Pinay at wala nang pera at matutuluyan. 

Tinanong umano ng biktima ang kaniyang boyfriend na Japanese kung okay lang na patuluyin si Kishida sa condo unit niya, at pumayag naman daw ito dahil kababayan niya.

Mula nang pinatira niya si Kishida sa kaniyang condo, palagi na umano siyang binabantayan ng suspek.

"'Pag hindi po ako nag-e-English, tinitingnan niya po ako ng masama. Tapos yung bata [anak ko] po, pupuntahan niya sa kwarto, kunwari itse-check niya lang pero ang ano niya po dun is 'pag 'di ako nag-English, sasaktan niya yung baby," pahayag ng biktima.

Nang pagsabihan niya umano si Kishida sa ginagawa nitong pagmamalupit sa kaniya at sa kaniyang anak na sanggol, sinakatan at ginahasa siya.

"Kinuha niya po ako sa balcony tapos hinagis niya ako sa kama tapos pinilit niya po akong makipag-sex sa kanya."

Noong March 29, nakakuha umano siya ng pagkakataong makatakas kay Kishida.

Ngunit bina-blackmail siya at tinatakot na i-upload sa social media ang mga video ng mga ginagawa niya at ang pagtatalik nila noong ginahasa siya kung hindi siya papayag na muling makipag-sex sa kaniya.

"Nakita ko po sa Facebook, na-upload niya yung video na isa-isa niya pong inap-load. Sabi ko sa kaniya, 'wag niya namang i-upload lahat naman gagawin ko. Kaso hindi niya po binura, at ginawa pa po niyang  public,"  ayon sa biktima.

Ipinaalam ng biktima sa Taguig Police ang ginagawa sa kanya ng Hapon.

Nag-issue naman agad ng protection order ang barangay.

Sinubukan pang kunan ng GMA News ng pahayag si Kishida ngunit ayaw nitong magpa-interview. — LBG/BAP, GMA News