Naiyak ang mga deboto at naniniwalang nagkaroon ng milagro nang masaksihan nila ang "pagsayaw" umano ng araw sa mismong araw ng kapistahan ng Divine Mercy sa Davao City. Pero ang state weather agency na PAGASA,  may ibang paliwanag sa nangyari na hindi isang uri ng himala.

Sa ulat ni Real Sarroche sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang pinaniniwalaang milagro noong Linggo matapos ang idinaos na misa sa Shrine Divine Mercy sa Marilog, Davao City.

Labis na natuwa at napaiyak umano ang mga deboto nang makita nila na ilang ulit na kumislap-kislap ang araw na nakunan pa ng video.

"Ang mga deboto umiyak sa labis na tuwa nila sir," sabi ng saksi na si Dondon Alo, na inilarawan ang pagkilap ng araw na minsan ay mahina at bilang bibilis.

Sa isang text message, sinabi ni Father Gracioso Charcos, nagsagawa ng misa, na nasaksihan din niya ang nangyari ito.

Ayon pa sa pari, tila may nakita rin daw siyang imahe ng Birheng Maria at ni Hesukristo.

Ngunit ayon sa isang weather observer ng PAGASA, posibleng hindi milagro ang nangyari kung hindi pagtama lamang ng ulap na tinatawag na "Cirrus" clouds.

"Scientifically, ang reason niyan ay dahil sa Cirrus clouds na nasa third layer. Kumbaga nagsisilbing ice crystal na tinatawag nating presim at kapag nasisikatan siya ng araw, nagkakaroon siya ng kulay at kumikislap siya. Kaya tingin ng mga tao na parang sumasayaw ang sikat ng araw," ayon Ben Rosales ng PAGASA. -- FRJ, GMA News