Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad sa Saudi Arabia kaugnay sa nangyari sa isang Pinay household service worker sa Saudi Arabia na naospital makaraang puwersahang painumin daw ng amo ng bleach.

Ayon sa DFA, Abril 2 nang isugod sa King Fahad Central Hospital sa Jizan ng ilang miyembro ng Filipino community ang biktimang si Agnes Mancilla.

Isinailalim umano ng mga duktor sa laparotomy si Mancilla para maalis ang bleach sa kaniyang sikmura.

May nakita rin umano ang mga duktor ng marka ng paso sa likod ng OFW.

Batay sa nakuhang impormasyon ng DFA, nakararanas umano ng pagmamaltrato sa kaniyang amo si Mancilla mila nang magtrabaho doon noong 2016.

Hindi rin daw pinapasahod ng OFW.

Sinabi ni Consul General Edgar Badajos na regular na nagpadala ang konsulado ng kinatawan sa Jizan para matutukan ang kaniyang kalagayan at makikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Idinagdag ni Badajos na sasampahan ng kaukulang reklamo ang amo ni Mancilla na naaresto na umano.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT"  nitong Lunes, na "stable" na ang kalagayan ni Mancilla batay na rin sa pahayag ng DFA.--FRJ, GMA News