Kalunos-lunos ang sinapit ang isang mag-ama sa Silay City, Negros Occidental na pinatay sa pananaksak at sinunog pa sa loob ng kanilang bahay.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing 63-anyos ang amang si Antonio Padua, habang pitong-taong-gulang lang ang anak niyang si Rean.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sinabing natutulog ang mga biktima nang pasukin ng hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang bahay.

Nasa trabaho naman umano ang asawa ni Antonio nang maganap ang krimen.

Dahil magkakalayo ang mga bahay sa lugar, hindi kaagad nasaklolohan ang mga biktima.

Ang posibleng away sa lupa at pagnanakaw ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin.-- FRJ, GMA News