Nagbagsakan ang mga girder ng itinatayong flyover sa Imus City sa Cavite Sabado ng gabi at nagdulot ng matinding traffic sa lugar.

Sa ulat ng GMA News maaga nitong araw ng Linggo, bumagsak ang mga girder sa intersection ng Aguinaldo Highway at Daang-hari Road dakong 11:45 p.m. noong Sabado.

Sa impormasyong nakuha ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi mula sa contractor ng proyekto na JBL William Uy Construction, tumagilid ang pang-anim na girder habang ikinakabit ito sa beam dahil hindi umano sumakto ang dowel sa beam cap.

Nagdomino effect daw kaya pati yung limang naikabit na na girder ay bumagsak din.

Nadaganan ang isang truck na pag-aari ng contractor at ang motorsiklo ng traffic enforcer na nakaparada sa ilalim ng flyover.

Wala namang nasaktan sa insidente dahil agad nakatakbo ang tatlong traffic enforcer at mga tauhan ng contractor.

Pansamantalang isinara sa mga motorista ang intersection habang ikinakabit ang mga girder kaya't walang nadamay na mga motorista.

Ipinag-utos na ni mayor Maliksi sa clearing operations team na madiliin ang pagtanggal sa mga girder na humambalang sa kalsada.

Patuloy din umano ang imbestigasyon ng lokal na pamahalaan kaugnay sa nangyari.

Ayon kay Maliksi, posibleng abutin ng isa't kalahating araw bago matapos ang clearing operation.

Wala pang pahayag ang contractor ng proyekto.

Sa tantya ng lokal na pamahalaan aabot sa 20 million pesos ang halaga ng damage.

Sa inilabas na alternative route ng lokal na pamahalaan, ang light vehicles na patungong Tagaytay o Maynila ay puwedeng dumaan sa Anabu Road at Malagasang Road.

Ang mga truck at bus naman ay maaaring dumaan sa Salitran Road patungong Molino-Paliparan Road at Molino Boulevard at vice versa. —LBG, GMA News