Walong miyembro ng isang private Facebook group na ginagamit umano sa pagtutulak ng droga ang nadakip ng mga awtoridad sa ikinasang mga buy bust operation. Hindi alam ng mga suspek, isang "tanim" ng Philippine Drug Enforcement Agency ang nakapasok sa kaniyang chat group.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, ipinakita ang mga screen shot sa chat ng FB group na mababasa ang transaksyon sa bentahan nila ng marijuana.

Ipinapakita rin nila ang mga litrato ng mga "item" para sa kanilang miyembro na hindi raw basta-basta nakakasali sa grupo.

"Before ka makapasok diyan dapat may personal kang kakilala doon. Somebody na kilala ka kung nasaan yung bahay mo, usually close friends din nila," ayon kay Agent Dheo Tabor, provincial officer, PDEA Rizal Provincial Office.

Pero sa loob ng higit isang buwan, isang ahente umano ng PDEA ang matagumpay na nakasali sa group chat kaya ikinasa na ang tatlong magkakasunod na buy bust operation.

Arestado ang mga miyembro ng group chat na sina Evandolf Coronado, alias Pompom, at Rovic Reyes, na nabilhan umano ng P500 halaga ng marijuana.

May nakura rin umano sa dalawa na 13 pang sachet ng hinihinalang marijuana at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa ikalawang buy bust sa Barangay San Roque, arestado naman ang isa pang miyembro ng group chat na si Mark Anthony Vasquez.

Ayon sa PDEA, P3,000 halaga ng marijuana ang nabili ng nagpanggap na buyer.
Pero paliwanag ni Vasquez, hindi talaga sa kaniya ang mga nakuha ng awtoridad at napag-utusan lang daw siya.

Sa ikatlong buy bust operation naman sa Barangay San Jose nitong Huwebes, nakakuha ng P 24,000 halaga ng shabu sa suspek na si April dela Cruz.

Arestado rin ang apat na iba pang suspek na umano'y naaktuhang nagsusugal at bumabatak.

Ayon kay April, hindi raw madalas ang pagdadala sa kanila ng droga na nanggagaling daw sa isang dating pulis.

May nakuha rin sa mga suspek ng 12 sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia. -- FRJ, GMA News