Puno ng emosyon at kilig ang finale ng "Destined To Be Your" nina Alden Richards at Maine Mendoza, kung saan nauwi sa kasalan ang pagmamahalan ng kanilang mga karakter na sina Benjie at Sinag.

Sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pag-iibigan, ipinakita nina Benjie at Sinag na may forever basta ipaglalaban ang damdamin at magiging bukas ang isip.

Naging top trending topic din sa Twitter ang hashtag na #ALDUBxDTBYFinale, na umaabot sa mahigit 1.7 million tweets.

Kilig na kilig ang AlDub nation sa wedding scene, lalo na nang halikan ni Benjie ang kaniyang bride na si Sinag.

Marami rin ang humanga sa kagandahan ni Maine sa suot niyang wedding gown.

 

 

Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan, aminado si Maine na naging emosyonal siya nang kinukunan ang wedding scene dahil sa paborito niyang ang awiting pinatugtog sa naturang kasalan.

Bukod dito, natangay din daw siya ng eksenang ikinakasal dahil isa rin daw iyon sa kaniyang mga pangarap.

"Nadala ako sa eksena kasi isa 'yon sa favorite songs ko, isa 'yon sa mga nagpapaiyak na kanta sa akin. Siyempre yung eksena, wedding scene na isa rin sa mga pangarap ko," kwento ni Maine.

Kahit nga raw si Alden na nanonood lang nang sandaling kinukunan ang kaniyang eksena, hindi rin napigilan na maiyak.

Sa kaniyang Twitter post, nagpasalamat si Maine sa lahat ng suporta sa kaniyang kauna-unahang primetime series.

 

 

Samantala, ready na si Alden at kaniyang mga special guest sa first major concert ng Pambansang Bae na si "Upsurge," na gaganapin bukas, May 27.

Sa halip na kabahan, mas nangingibabaw raw kay Alden ang pagiging excited dahil iaalay niya ang pagtatanghal para sa kaniyang namayapang ina, at hangaring mapasaya ang mga dadagsa sa sold out concert.

"I'll make sure na yung taong manunuod mararamdaman nila kung anu journey ko dito sa showbizness. Inaalay ko rin ito sa mom ko para sa kanya lahat ito," anang aktor.

Maliban kay Maine, special guest performers din sa concert sina Jerald Napoles, Mark Herras, Rodjun Cruz at Kristoffer Martin. -- FRJ, GMA News