Marami ang kaagad ang humanga sa husay ng bibong si Leanne Amber Bautista, ang gumaganap na "Anya" sa Kapuso fantaseryeng "Mulawin Vs Ravena."

Sa Starbites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, na marami ang nakapansin sa anim na taong gulang na si Leanne, na bukod sa pagiging cute, ay napakagaling pang umarte, tulad sa eksenang pinaslang ang kaniyang ama, na ginagampanan ni Tom Rodriguez.

Hindi lang mga netizen ang bumilib kay Leanne, kung hindi maging ang mga co-star niya tulad nina Regine Velasquez at Carla Abellana.

Pangarap raw talaga ni Leanne ang maging isang artista kaya at home na at home siya sa harap ng kamera.

Sa katunayan, gumanap na si Leanne bilang anak nina Heart Evangelista at Dennis Trillo sa rom-com series na "Juan Happy Love Story".

Bagaman handa raw si Leanne sa anumang eksena, mas gusto niya ang mga umiiyak.

Binabalanse naman daw niya ang pag-arte, paglalaro, pagpapahinga at pag-aaral kahit nasa set.

Sinasamahan din siya ng kanyang mommy na nag-quit pa sa trabaho para lang suportahan ang pangarap ng anak.

Para kay Leanne, simula pa lang daw ang kanyang mga naging paglabas sa telebisyon sa unti-unting katuparan ng kanyang mga pangarap sa showbiz.

Umaasa siyang isa na ang kaniyang karakter bilang "Anya" sa "Mulawin Vs Ravena" para mapalapit siya sa puso ng mga mga manonood. -- FRJ, GMA News