Sa istorya ng tinututukang Kapuso primetime series na "My Love From The Star," lalo raw titindi ang problema ni Steffi Chavez, na ginagampanan ni Jennylyn Mercado dahil sa kaniyang karibal na si Rachel Andrada, na karakter naman ni Rhian Ramos.
Sa “Chika Minute” report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naaaliw maging ang netizens sa karakter ni Jennylyn na si Steffi dahil sa mga nakatatawa nitong antics para makipagsabayan kay Rachel.
Ngayong linggo, titindi raw ang problema ni Steffi tungkol sa banggaan nila Rachel.
“Si Steffi, 'andami nang nagagalit sa kanya. 'Andami nang lumalabas na tsismis.
Abangan nila 'yung mga struggle ni Steffi, kasi 'andaming mangyayari sa buhay niya,” pahayag ng aktres.
At sa kabila ng kaniyang busy schedule, hindi naman nawawala kay Jennylyn ang pagpaplano para makasama ang mga mahal sa buhay kapag may mga pagtitipon tulad ng darating na Father's Day.
Ayon sa aktres, gagamitin niya ang darating na okasyon para masulit ang pagkakataon na makasama ang mga mahal niya sa buhay.
“Baka dinner kasama ang buong family,” anang aktres. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
