Humingi ng patuloy na panalangin ang aktor at dating senador na si Bong Revilla Jr., para sa kaniyang ama na sumailalim sa operasyon na si Ramon Revilla Sr., na dati ring aktor at senador.

Sa Facebook post nitong Lunes, sinabi ni Bong na naging matagumpay ang operasyon ng kaniyang ama nitong Lunes.

"Operation went very well!!! Praise GOD. They will bring him to CCU first for monitoring. Continue praying for daddy's fast recovery and free from complications. GOD IS GOOD!!!! Maraming Salamat po sa inyong patuloy na pagdarasal para sa aming ama," anang dating senador na nakadetine dahil sa kinakaharap na kaso tungkol sa umano'y maanomalyang paggamit ng pork barrel funds.

Dati nang itinanggi ni Bong ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Nitong Biyernes, pinayagan ng Sandiganbayan First Division na makalabas ng piitan si Bong para madalaw ang 90-anyos na amang may sakit.

Ayon kay Bong sa kaniyang inihaing petisyon noong nakaraang linggo, ang kaniyang ama ay nakaratay sa St. Luke's Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig City para gamutin ang  "ang Valvular Heart Disease, Severe Mitral Regurgitation, Congestive Heart Failure, and NYHA FC II."

Nitong Lunes, sumailalim sa Percutaneous Mitral Clip procedure ang nakatatandang Revilla.

Sa ilang kondisyon, pinayagan ng korte si Revilla na makapunta sa ospital sa June 19, mula 6 a.m. hanggang 10 a.m., at June 20, mula 11 a.m. hanggang 3 p.m.

Sa isa pang FB post, sinabi ni Bong na kasama niyang dumalaw sa kaniyang ama sa ospital ang kaniyang mga kapatid.

Sa larawan, nakita rin sa ospital ang dating PBA star at dati ring senador na si Robert Jaworski.

"My dad's operation is ongoing. I, along with my siblings, saw him before he entered the operating room and we all witnessed his high spirits and apparent strength and confidence that he can get through all these," saad post.

Patuloy nito, "Despite my fervent wish to be with my father at this time, I am now going back to the Custodial Center considering that I am only given 4 hours by the court today. Please continue to pray for my father's successful operation and fast recovery."

Nagpasalamat si Bong sa mga patuloy na sumusuporta sa kanila.

"Thank you very much for all your support.  See you again tomorrow Daddy," dagdag nito.

Sa hiwalay na post ng misis ni Bong na si Bacoor Mayor Lani Mercado, humingi rin siya ng panalangin para sa kaniyang biyenan.

Bago pumalaot sa pulitika ang mag-amang Revilla, kilala sila sa mga maaksyong pelikula, na ang ilan ay may tema tungkol sa agimat. -- FRJ, GMA News