Ikinalungkot ng cast ng Kapuso primetime kilig-tawa series na "My Love From The Star" na kailangang palitan upang makapagpahinga ang veteran actor na si Spanky Manikan.

Ginagampanan ni Spanky sa serye ang role ni Mr. Jang, na kaibigan ng karakter ni Gil Cuerva na si Matteo Domingo.

Matatandaan na nagpahayag ng kasabikan si Spanky na maging bahagi ng serye at hindi na tumanggap ng iba proyekto para matutukan ang kaniyang role bilang si Mr. Jang.

Gayunman, dahil sa usapin ng kaniyang kalusugan na mas mahalaga sa lahat, nagpasya ang produksyon na pagpahingahin muna ang aktor.

“I think working with Tito Spanky is one of the best things that can happen to a new actor such as myself.  He’s a man with so much wisdom and being the newbie that I am, I was always looking for someone I could ask questions from, get advice from and he was the perfect person to give me a lot of advice, a lot of tips," ayon kay Gil.

"Sir Spanky, get well soon, we miss you. And I hope that our paths will collide again in the future,” dagdag ng baguhang aktor.

Hangad din ng iba pang kasama sa serye ang mabilis na paggaling ng batikang aktor.

“Si Tito Spanky, as a co-actor, siyempre alam nating lahat na napakagaling niyang aktor talaga. Ang galing niyang ka-eksena, madali siyang katrabaho kasi alam niya lahat ng gagawin niya once na dumating siya sa set. Tito Spanky, hope you get well soon and we’re praying for you and may God bless you always,” ayon kay Glydel Mercado, na gumaganap na Lynelle Chavez.

Mensahe naman ni Gabby Eigenmann, na gumaganap na kontrabidang si Jackson Libredo, "Tito Spanky, get well soon and I pray that you get better any time soon. Of course umaasa ako na makatrabaho parin kita and it’s always a joy to be working with you. Mahal ka namin.”

Hahalili sa role ni Ginoong Spanky ang isa ring mahusay at batikang aktor - si Crispin Pineda. -- FRJ/KVD, GMA News