Makalipas ang dalawang taon nang pagiging love team nanatiling matatag ang AlDub.
Kung kaya naman nitong Sabado, hindi maiwasang maging emosyonal sina Pambansang Bae Alden Richards at Dubsmash Queen Maine Mendoza nang ipagdiwang nila ang second anniversary ng kanilang love team sa Eat Bulaga.
Kasabay nito ay inianunsyo rin na nakahandang gumawa ang dalawa ng isang pelikula at concert.
Matapos ang production number, hindi maiwasang maluha nina Alden at Maine nang ibigay nila ang kanilang mensahe para sa isa't-isa.
"Siyempre, thank you Alden sa lahat. Wish ko lang kasi sa 'yo sana palagi kang masaya and I'm always here for you. I'm always here for you, tandaan mo," sabi ni Maine kay Alden.
Nang si Alden naman ang magbibigay ng mensahe, "Sa dami nang nangyaring anniversaries, sweetsaries, monthsaries sa amin ni Maine, parang halos lahat nasabi ko na sa kanya."
"Pero Maine, kagaya nu'ng sabi ko sa 'yo nu'ng nag-concert ako, na ako 'yung alon, tapos kahit anong mangyari, kahit saan man magpunta 'yung alon na iyon, babalik at babalik pa rin ako sa 'yo."
Ipinaliwanag pa ni Alden kung bakit siya naiyak.
"Nag-flashback, tapos ang sarap lang na.. regardless kung ano mang napagdaanan na namin ni Maine at pinagdadaanan pa rin namin continuously, masaya kami. 'Yun lang po ang masasabi namin, masaya kami."
"Masaya ako, at siyempre, grateful din sa mga nangyari sa amin ni Alden," sabi naman ni Maine.
Matapos ang tribute sa kanila ng Broadway Boys kung saan kinanta nila ang Lola's playlist, kasama ang "God Gave Me You" ni Bryan White, 'di rin nila napigilang maiyak nang magpasalamat sa fans.
"Malaking bagay 'yung at least na-refresh natin 'yung mga songs. Ang sarap sa feeling. And gusto po namin magpasalamat.."
Hindi na rito napigilang muling maluha ni Alden.
"..sa Aldub Nation, sa lahat ng Dabarkads na nandiyan po para sa amin."
"Mula po sa unang pagkikita namin ni Maine. Nu'ng split-screen na hanggang ngayon dalawang taon na po, salamat."
Nagpasalamat naman si Maine para sa tulong ng AlDub fans para makapagbukas ng AlDub libraries.
"Salamat po at hindi lang po para sa amin ni Alden ang suportang ibinibigay niyo. Dahil din po sa inyo naging posible po na makatulong tayo sa mga estudyante dahil nakapagbukas na po tayo ng sampung AlDub libraries sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas."
Naunang sumikat ang AlDub nang magkaroon ng segment sa "Kalyeserye" sa Eat Bulaga. —Jamil Santos/ALG, GMA News
