Dalawang taong magpapahinga sa pag-aartista ang Korean star na si Ji Chang Wook dahil kailangan niyang magsilbi sa kanilang militar.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ilang fans ang nag-abang kay Ji bago ito sumabak sa mandatory two year military service sa kanilang bansa.
Si Ji ang minahal na emperador sa seryeng "Empress Ki" at bida rin sa "The Healer."
Ayon sa ulat, maaga pa lang ay nag-abang na ang mga fans mula sa iba't ibang panig ng mundo gaya ng Amerika, Thailand, Hong Kong at Pilipinas, na may mga dalang tarpaulin, banner at may dilaw na tela.
Kasama rin na naghatid kay Ji ang kaniyang ina at ilang malalapit na kaibigan.
Bago tuluyang pumasok sa military facility, kumaway muna ang aktor sa fans, yumuko at sumaludo.
Mandatory sa lahat ng Koreanong lalaki ang magsilbi sa kanilang militar mula 18 hanggang 35-years-old.
Magtatagal ang serbisyo ni Ji ng dalawampu't isang buwan bago makabalik sa pag-aartista sa May 2019.
Mensahe naman niya sa kaniyang Pinoy fans, "I will go back well." -- FRJ, GMA News
