Naghahanda na sina Alden Richards at Rocco Nacino sa gagawin nilang  true to life series na "Alaala: The Martial Law Special," na ihahandog ng GMA Public Affairs.

Sa  Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing matutunghayan ang mapait na karanasan ng mga naging biktima ng batas militar na idineklara noong 1972.

Ayon sa dating aktibistang na si Boni Ilagan, hindi niya malilimutan ang bangungot ng martial law kaya sa tulong ng manunulat na si Pete Lacaba, nais nila itong ilahad upang maipaalala sa mga kabataan ang nangyari noon.

"The youth must known our history and must learn the lesson of history," saad ni Boni. "Papaano natin huhusgahan, ia-appreciate yung mga nangyayari ngayon kung wala tayong reference sa ating nakaraan."

Sina Alden at Rocco, ang gaganap sa buhay nina Boni at Pete.

Ayon kay Alden, makulay at labis siyang nagandang sa proyekto dahil sa istorya nito.

Pahayag naman ni Rocco, "Hindi biro yung role dahil totoong tao 'tong ipo-portray namin. And it's a very very sensitive topic. I'm really honored na pinili ako ng GMA na gampanan 'tong role na ito."

Matindi raw ang paghahanda nina Alden at Rocco para sa kani-kanilang role kaya doble effort umano sila pagdating sa research upang mabigyang hustisya ang kanilang pagganap.

Mayroon din daw silang mental and emotional preparation dahil may ilang torture scenes din silang gagawin.

Makakasama nina Alden at Rocco sa naturang proyekto sina Gina Alajar at Bianca Umali.

Mapapanood ang "Alaala: The Martial Law Special" sa September 17 sa "SNBO." -- FRJ, GMA News