Inihayag ni direktor na si Adolf Alix, Jr. na kapupulutan ng aral ng mga kabataan ang GMA martial law special na "Alaala," na pagbibidahan nina Alden Richards, Rocco Nacino, Bianca Umali at si Ms Gina Alajar.

Sa Starbites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali " nitong Biyernes, sinabing layon ng dokyu-drama special na balikan ang panahon ng martial law na idineklara ng namayapa at dating Pangulong Ferdinand Marcos, na itinuturing isa sa mga pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.

Gagampanan ni Alden ang buhay ni Bonifacio "Boni" Ilagan, isa sa mga nakaranas ng kalupitan ng batas militar.

"Napakahirap ng pinagdaanan ni Sir Boni, yung ma-torture ka, mawalan ng kapatid at yung nanay na nag-aalala sa 'yo lagi pero gusto mong ipaglaban yung karapatan mo. Medyo complicated yung character pero tinaggap naman ni Alden yung challenge," ayon kay direk Adolfo.

Idinagdag ng direktor na tiyak na kapupulutan ng aral ng mga millennial ang naturang dokyu-drama.

"Kung ano yung ini-e-enjoy nilang freedom ngayon, kung bakit sila may hawak na cellphone at nakakapag-internet sila, bunga 'yon ng paghihirap ng mga taong tulad ni sir Boni," saad niya.

Ang GMA Public Affairs martial law special na  "Alaala" ay mapapanood sa Linggo, September 17. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News