Sa programang "Tunay Na Buhay," ikinuwento ng komedyante at impersonator ni Kris Aquino na si Tetay ang pinagdaanan niyang pagsubok sa buhay dahil sa sakit na cancer.

Sa naging panayam ni Rhea Santos, inamin ni Tetay na napahagulgol siya sa parking lot ng klinika matapos niyang malaman sa duktor ang malubhang karamdaman.

"Hindi lang ako nakapag-'walling' pero kasi that time really ang pangit ng iyak ko, talagang hagulgol," pagbabalik-tanaw niya.

Naisip din daw noon ni Tetay na malapit na siyang mamatay kaya nais niyang magawa ang mga dapat niyang gawin.

Noong nakaraang Pebrero, ibinahagi na ni Tetay sa programang "Tonight With Arnold Clavio" na may pinagdadaanan siyang problema sa kalusugan sa pancreas at liver kaya kailangan niyang uminom ng gamot at magbawas ng trabaho.

BASAHIN: Tetay, ibinahagi ang naging problema sa kalusugan

Pero bago ang naturang rebelasyon ni Tetay sa kaniyang kalusugan, pinasaya niya ang mga manonood sa unang pagbisita niya sa "TWAC" noong Agosto 2016.

Hindi nabanggit noon ni Tetay sa "TWAC" ang tungkol sa cancer pero sa "Tunay Na Buhay," sinabing tatlong buwan na nilabanan ni Tetay ang delikadong sakit hanggang sa makatanggap siya ng magandang balita na unti-unti na itong nawala.

Panoorin ang naturang panayam kay Tetay sa "Tunay Na Buhay" at kilalanin ang taong nakasama niya sa pakikipaglaban sa buhay na si Richmond. 


-- Jamil Santos/FRJ, GMA News